MANILA, Philippines - Nakahanda ang Department of Justice (DOJ) na magpalabas ng Lookout Bulletin Order (LBO) laban sa negosÂyanteng si Cedric Lee at Deniece Millet Cornejo na nahaharap sa kasong pambubugbog kay actor/TV host Vhong Navarro, sa ulat na nagpa-book ang mga ito papuntang Singapore sa unang linggo ng Pebrero.
Nabatid sa record na nakapag-book ang dalawa ng biyahe pa-Singapore via PAL flight PR 503, alas-7:55 ng umaga ng Pebrero 6.
Nai-book ang flight dalawang araw lamang ang nakakaraan, sa gitna ng pagsabog ng isyu ukol sa pambubugbog kay Navarro, subalit hindi pa naiisyuhan ng electronic ticket dahil sa hindi pa ito nababayaran.
Hindi naman makumpirma ng airline sources kung mismong sina Lee at Cornejo ang nag-book ng biyahe.
Sa ipinadalang text message ni Justice Secretary Leila De Lima sa mga reporters na kanila na lamang hinihintay ang request mula sa National Bureau of Investigation o mula sa kampo ni Navarro para sa LBO.
Ang LBO ay nag-uutos direkta sa mga immigration officers na maging alerto para mabantayan ang lahat ng ports exit sa bansa upang mahadlangan ang sinumang indibidwal na lumabas ng bansa kung ang mga ito ay walang pending warrant of arrest o pending case sa mga korte.
Ayon naman sa abogado ni Navarro na si Atty. Dennis Manalo na hihiÂlingin nila na mailagay sa DOJ Witness Protection Program (WPP) ang kanilang kliyente dahil sa posibleng pagbabanta sa buhay nito habang dinidinig ang kaso.