MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 61-anyos na biyuda nang ito ay pagbabarilin ng kanyang 50-anyos na live-in partner dahil sa selos matapos makarating ang balita na mayroon itong ibang lalaki kamakalawa sa Caloocan City.
Ang nasawi dahil sa mga tama ng bala ng kalibre 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Julie Bobis, negosyante, ng Libis Baesa St., Barangay 160 ng nasabing lungsod.
Nasugatan naman ang isang Anna Castillano, 40, kapitbahay ng nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala sa paa.
Ang suspek na tumakas ay ang live-in partner ng biktima na kinilalang si Jesus Aguirre, 50, ng Ruby Ville Subdivision, Santa Quitaria ng naturang lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-2:00 ng hapon ay nagkaroon nang mainitang pagtatalo ang mag-live-in tungkol sa nakakarating na balita sa suspek na may ibang nanliligaw sa biktima.
Pinabulaanan ng biktima ang akusasyon hanggang sa kumuha ng baril ang suspek at pinagbabaril ang biktima na kung saan ang ibang bala ay tumama kay Castillano na kumakain sa isang karinderya na malapit sa pinangyarihan ng insidente.