Mister, inutas habang nagte-text

MANILA, Philippines - Utas ang isang 40-anyos na mister nang siya ay barilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek habang ang biktima ay abala sa pagte-text sa kanyang cellphone, sa  Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dahil sa tinamong isang tama ng bala sa bumbunan at dalawa sa balikat, idineklarang patay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Erwin Cristobal, residente ng  #517 Pacheco St,  corner Franco St., Tondo.

Inilarawan ang suspek na nakasuot ng kulay puting t-shirt, naka bull cap, na naglakad lamang papalayo matapos bumulagta ang biktima.

Sa ulat ni SPO2 Charles John Duran kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section,  naganap ang pamamaril dakong alas-11:00 ng gabi, sa Franco St,  kung saan nakaupo at hawak pa ng biktima ang kaniyang cellphone.

Narinig mismo ng ina ng biktima na si Theresita Cristobal, 57, ang mga putok ng baril at nang lumabas ng bahay ay nakita niya na nakahandusay na sa kalye ang anak kaya humingi ng tulong sa mga kapitbahay upang dalhin sa pagamutan.

Sa nakuhang impormasyon ni Duran sa mga nakasaksi, mistulang hitman ang bumaril na dinikitan pa ang biktima upang masiguro na  mapapatay.

Inaalam pa ang motibo sa krimen at pagkilanlan ng salarin.

 

Show comments