Amerikano, nanlaban sa 3 holdaper, tigok

MANILA, Philippines - Tigok ang isang American national nang manlaban ito sa tatlong holdaper na bumiktima sa kanya at pagtulu­ngan siyang pagsasaksakin  sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay kinilalang si Robert John Karlsen, 58 anyos,  ng 1827 Cornelia, 1R-Ridgewood, New York City,

Nakatakas naman ang tatlong holdaper na pawang armado ng patalim, tangay ang mga mahahalagang gamit ng biktima.

Sa ulat ni SPO3 Rodelio Lingcong kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang nasabing insidente sa P. Faura St, sa panulukan ng M.H Del Pilar St., sa Ermita.

Habang naglalakad umano ang dayuhan nang lapitan at tutukan ng patalim ng mga suspek at nagdiklara ng holdap.

Nanlaban umano ang biktima kaya  inundayan siya ng saksak at sinalag ito kaya nasugatan ang kaliwang palad, subalit sinundan pa ng saksak sa dibdib ng dalawang ulit at isa sa tiyan, bago tinangay ang dalang gamit at hindi pa batid na halaga ng pera.

Ang labi ng biktima ay nakalagak ngayon sa St. Rich Funeral Morgue, habang patuloy na iniimbestigahan ang kaso, para matukoy ang pagkakakilanlan sa mga suspek. Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa US Embassy para sa kaukulang disposiyon sa bangkay ng biktima.

 

Show comments