Bus nagliyab, 4 tindahan sinalpok, nasunog

Binobomba ng bumberong ito gamit ang chemical foam upang maiwasan ang pagsabog ng isang oil tanker na tumagilid at bumuhos ang libong litro ng gasolina at kerosene sa kahabaan ng Litex Road, Brgy. Payatas, Quezon City.- Boy Santos-

MANILA, Philippines - Nasunog ang apat na tindahan matapos na masalpok ng isang nagliliyab na pampasaherong bus kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, bago nagliyab dakong alas-10:00 ng gabi ang Fermina Bus ay tinatahak nito ang kahabaan ng Commonwealth Avenue nang mag­loko ang makina.

Nagpasya ang driver at konduktor na pababain ang kanilang mga pasahero upang tingnan ang problema ng bus at habang tinitingnan ang makina ay napuna ng mekaniko na nagbabaga na ang tambutso.

Ilang sandali ay bigla na lamang itong nagliyab at dahil walang kalso ang gulong ay umatras ang bus at dumeretso sa apat na  establisyemento dahilan para masalpok ito at masunog.

Halos mag-iisang oras bago tuluyang naapula ang sunog at walang napaulat na nasaktan habang hindi na mahagilap ang driver.

Aabot sa P5 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian sa nasabing sunog.

Show comments