MANILA, Philippines - Hindi umano aakuin ng pamunuan ng Don Mariano Transit ang naganap na trahedya nang mahulog ang isa nilang bus sa Skyway sa Taguig City na ikinasawi ng 18 pasahero noong nakaraang taon.
Ito ang inihayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Gines matapos ang ginawa nilang hearing kahapon tungkol sa kaso na kung saan ay nag-submit ng panig ang pamunuan ng Don Mariano Transit at hindi anya nila inaako na mayroong pagkukulang kaugnay ng sistema ng pamamahala sa mga driver.
Ayon pa kay Gines katulong niya ngayon ang Department of Labor (DOLE) sa pagbusisi sa isyung lampas sa oras sa trabaho ang driver na si Carmelo Catcat nang mahulog ang bus.
Idinagdag pa ni Gines na pag-aaralang mabuti ng binuong technical working group ang ulat tungkol sa kaso na ginawa ng PNP-Highway Patrol Group, Toll Regulatory Board, LTO, DOLE at ng LTFRB enforcement group para malaman kung ano ang magiging parusa na maipapataw sa Don Mariano sakaling mapatunayang may nagawa itong kasalanan hinggil sa kaso.
Sinabi pa ni Gines na kung sakaling mapatunayan nilang nagkasala ang Don Mariano at sakaling makansela ang prangkisa dahil sa aksidente, maaari pa namang magamit ang mga bus nito, pero dapat ay sa iba ng pangalan at mag-aaplay ulit sa LTFRB kung nais pang pakinabangan ang mga bus unit.
Sa January 16 ipalalabas na ng LTFRB ang desisyon hinggil sa kaso.