MANILA, Philippines - Tatagal pa hanggang summer ang outbreak ng tigdas sa bansa.
Ito ang sinabi ni Health Secretary Enrique Ona batay sa kanilang pag-aaral bagama’t nagsasagawa sila ng massive vaccination drive para sa inisyal na 12 milyon kabataan.
Sinasabi sa pag-aaral na ang peak ng measles ay sa pagpasok ng tag-init, kung saan mas mabilis ang development ng nasabing virus.
Nagpulong na ang city health officers sa Metro Manila para agad na masimulan ang maramihang pagbabakuna.
Sa latest information ng DOH, 1,724 confirmed cases nationwide, kung saan 744 sa mga ito ay mula sa Metro Manila.
Maging ang World Health Organization (WHO) ay nakaantabay din sa sitwasyon ng measles outbreak sa Pilipinas, matapos makahawa ang isang Pinoy sa ilang mananayaw ng New Zealand at Australia.
Samantala, isang 2-anyos na batang lalaki na si Rodgene Gundaran, ng Caloocan City ang nasawi sa tigdas.
Sa salaysay ng ama ng bata na si Ruel ng Barangay 139 na noong Disyembre 29, 2013 ay nagkalagnat at na-dehydrate ang kanyang anak kung kaya’t isinugod nila ito sa Caloocan Medical Center.
Subalit dahil sa dami ng pasyente na may sakit din na tigdas ay hindi umano sila naasikaso kaya nagpasya sila na iuwi muna ang anak at nang lumalala ay kanilang dinala sa Manila Central University (MCU) Hospital, subalit binawian ng buhay si Rodgene habang nilalapatan ng lunas dahil sa dehydration.
Sa Quezon City naman ay nasa 139 bata ang nadale ng tigdas noong nakaraang taon hanggang sa mga unang araw ng Enero ng kasalukuÂyang taon.
Ayon kay Dr. Antonietta Inumerable, hepe ng QC Health Office na bagamat walang epidemya ng tigdas sa lungsod, hindi naman ligtas ang QC dahil ilang daan ding kabataan ang nagkaroon ng naturang sakit na ang pinakamarami ay buhat sa District 5 sa Novaliches at District 6 sa Culiat.
Sa naturang bilang ay 2 na ang namatay na kinabibilangan ng isang 7 buwang gulang na sanggol buhat sa Barangay Commonwealth at isang 1 taong gulang na bata mula sa Barangay Bahay Toro na pawang hindi nabakunahan ng laban sa tigdas.