Obrero binoga sa ulo, patay

MANILA, Philippines - Patay ang isang construction worker makaraang malapitang barilin sa ulo ng isang lalaki habang ang biktima ay naglalaro ng sugal na “cara y cruz” sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Si Jan Jan Advincula, 21, ay nagawa pang mai­takbo sa ospital, subalit idineklara ring dead-on-arrival.

Ayon kay PO2 Marlon dela Vega, may-hawak ng kaso, ang suspek na natukoy sa pangalang Jay-Ar Bagtas ay mabilis namang tumakas at ngayon ay tinutugis na ng awtoridad.

Sa ulat ni Dela Vega, nangyari ang insidente sa harap ng Marlon Bakery na matatagpuan sa  #2 Palanas B., Brgy. Basra, ganap na ala-1:00 ng madaling araw.

Ayon kay Joven Rosal, naglalaro umano sila ng ‘cara y cruz’ ng biktima sa lugar nang biglang duma­ting ang suspek na may bitbit ng baril at pinaputukan si Advincula sa ulo.

Nang bumuwal ang walang kalaban-labang biktima ay agad na tumakas ang suspek.

 Sa kasalukuyan, inaalam pa ng awtoridad kung ano ang motibo ng suspek sa pamamaril sa biktima.

 

Show comments