Totoy nakuryente sa paghingi ng aginaldo

MANILA, Philippines - Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang isang 12-anyos na batang lalaki matapos na makuryente habang papunta sa bahay ng tiyuhin para humingi ng aginaldo kamakalawa sa Tondo, Maynila.

Ang nasawi ay kinilalang si Jerwin Villega, Grade 6 student at residente ng Building17, Unit 313,  Permanent Housing, Smokey Mountain, Balut, Tondo, Maynila.

Batay sa ulat, bago naganap ang insidente, dakong alas-10:45 ng umaga sa eskinita ng  Bldg 25, Permanent Housing, Tondo ay nagpaalam ang biktima sa kanyang nanay na pupuntahan ang bahay ng tiyuhin sa kalapit lamang na gusali dahil nangako na bibigyan siya ng regalo sa Bagong Taon.

Nang malapit na ang biktima sa bahay ng tiyuhin ay nadulas ito at natapakan ang live wire na naging dahilan upang ito ay makuryente.

Tinangkang isalba ng inang si Josephine ang anak, subalit, hindi siya pinalapit ng mga residente upang hindi na madamay sa pagkakuryente.

Nang makalas ay itinakbo ang biktima sa ospital, subalit namatay din ito pagdating doon.

 

 

Show comments