MANILA, Philippines - Isang 3 buwang gulang na sanggol na lalaki ang nasawi matapos na tamaan sa ulo ng ligaw na bala sa Caoyan, Ilocos Sur habang 21 pa ang nasugatan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang nasawing sanggol ay kinilalang si Von Alexander Llagas ng Brgy. Anonang, Caoyan, Ilocos Sur.
Sa salaysay ng ina sa pulisya, nasa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon ay narinig nito na umiiyak ang kaniyang anak na iniwan nitong natutulog sa loob ng kanilang kuwarto at laking gulat nito ng makitang umaagos na ang dugo sa ulo nito.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang sanggol, pero binawian din ito ng buhay dahil sa pagbaon ng ligaw na bala sa ulo nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng Ilocos Sur Police upang matukoy kung anong uri ng bala at sino ang may kagagawan na ikinamatay ng walang muwang na sanggol.
Samantala, inihayag din ng PNP na umaabot na sa 21 pa ang nasugatan sa ligaw na bala sa iba pang bahagi ng bansa mula Disyembre 16 hanggang sa kasalukuyan kaugnay ng Oplan Iwas Paputok/Disgrasya na inilunsad ng DOH katuwang ang PNP.
Kabilang pa sa mga nasugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala ay sina Francisco Salazar,19 ng Sampaloc, Manila; Ginalyn Soncio, 32 ng Polomolok, South Cotabato; Donna Padol, 31, ng Iloilo City; Roberto Mariano Jr., 30, stand-up comedian, Marikina City; Jay Abuniawan, 17, Banate, Iloilo; Deo Tam-0g, 22 , minero ng Itogon, Benguet; Rommel Geroy, 40 ng Naga City; Myra Medrado, 44, Taguig City; Jestoni Obrador, 13, Calatagan, Batangas; Ricardo Garbin, 26, Taysan, Batangas; Michael Epe, 23 , Polomolok, South Cotabato habang nasa 127 ang naitalang nasugatan sa paggamit ng paputok.