MANILA, Philippines - Isang 9-anyos na batang babae ang natagpuang patay kamakalawa sa isang bakanteng lote sa Taguig City matapos na gahasain at patayin ng kapitbahay na ex-convict.
Ang biktima ay kinilalang si Crissa Ann Marasigan, Grade 3 pupil, at naninirahan sa Bagong Sikat, Brgy. Sta. Ana ng lungsod at nagtamo ng malalim na sugat sa leeg na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Ang suspek na agad naaresto ng pulisya ay kinilalang si Mario Cruz, 33, binata, na dating nakulong sa kasong rape at kapitbahay ng biktima.
Sa salaysay ng ina sa pulisya, dakong alas-7:00 ng gabi ay inutusan nito ang anak na bumili ng diaper ng kanyang kapatid na sanggol.
Nagtaka ang ina kung bakit higit kalahating oras na ay hindi pa bumabalik ang anak gayung ang lapit lang ng tindahan sa kanila kung kaya’t nagpasya silang hanapin ito.
Nang hindi matagpuan, humingi na ng saklolo ang pamilya sa mga barangay tanod hanggang sa matagpuan ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa isang bakanteng lote sa tapat ng bahay ng suspek na si Cruz.
Hindi natagpuan si Cruz sa loob ng bahay kaya nagsagawa na ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakadakip nito.