2 totoy nalunod sa septic tank

MANILA, Philippines - Kapwa nalunod ang dalawang batang lalaki matapos na maligo ang mga ito sa isang septic tank na nasa isang bakanteng lote ng Merville Road, Pasay City kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Home Care Clinic sa Merville, Parañaque City ang mga biktima na kinilalang sina Jerome Berja, 12-anyos, at si Ricky Laurente, 9-anyos, kapwa naninirahan sa Brgy. Pag-asa 2 ng lungsod.

Sa salaysay ng 13-anyos na si Ryan Mahusay dakong alas-5:00 ng hapon ay nagkayayaan sila ng mga biktima na maligo sa septic tank na puno ng tubig sa bakanteng lote na pag-aari ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa may Merville Road, ng lungsod.

Masayang naligo ang tatlo hanggang sa unang umahon si Mahusay at dito ay napansin niya ang dalawang kaibigan na nagkakawag at unti-unting lumulubog. 

Tinangka niya itong sagipin, subalit hindi niya nakayanan ang bigat ng dalawang kaibigan.

Nagtatakbo si Mahusay at humingi ng saklolo sa mga kapitbahay na agad na nagtungo sa lugar at naiahon ang mga bata. 

Mabilis na dinala ang mga ito sa nasabing klinika, subalit hindi naisalba ang buhay ng mga ito.

Show comments