MANILA, Philippines - Subic Bay Freeport-Malugod na tinanggap ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Roberto Garcia ang 10,000 ektaryang lupain ng San Antonio, Zambales na ipinailalim sa nasasakupan ng Subic Freeport para paunlarin.
Sa bisa ng Sangguniang Bayan Resolution No. 13-080 na ipinasa noong Nobyembre 19, 2013, ipinagkaloob ng bayan ng San Antonio ang 10,000 ektaryang lupain at lawas-tubig sa ilalim ng Subic Bay Freeport Zone na idineklara namang San Antonio Economic Development Area.
Nakapaloob din sa resolusyon na ang Sitio Silangin, Nagsasa at Talisayin, pawang nasa Redondo Peninsula ay magiging bahagi sa tax and duty free privileges ng Freeport.
Matapos tanggapin ang kopya ng resolusyon kay San Antonio Mayor Estella Antipolo nitong Disyembre 2 sa SBMA Board Room, inihayag nina Garcia at SBMA Deputy Administrator for Legal Affairs Atty. Randy B. Escolango na napapanahon ang resolusyon dahil kailangan ng Freeport ang karagdagang lugar na maiaalok sa mga dayuhang investor para paunlarin.
Nilinaw naman ni Escolango na ang turn-over ay batay sa Executive Order No. 675 na pinapayagan ang kumbersiyon ng mga lugar bilang karagdagang bahagi ng Subic Bay Freeport Zone.
Tiniyak din ni Antipolo na makikibahagi ang pamahalaang lokal upang maengganyo ang mga investor sa pagtataguyod ng transparency sa pamamahala at pag-aalis sa red tape sa mga transaksiyon sa negosyo.