Madugong b-day party

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang kawani ng Meralco nang  makipagpalitan ng putok sa nakaaway nito sa inuman sa isang birthday party kamakalawa ng gabi sa Brgy. Burol Main, Dasmariñas City, Cavite.

Ang nasawi ay kinilalang si Emmanuel Legaspi, 54, may-asawa, residente ng Blk. 26, Lot 20, Summerwind ng nasabing barangay.

Ang suspek na  tumakas ay nakilalang si Bobby Mortel, nasa hustong gulang, ng Brgy. San Antonio De Padua 1, Dasmariñas City.

Sa ulat,dakong alas-9:50 ng gabi ay kapwa umano dumalo sa birthday party ang biktima at suspek dahil sa  kapwa nila kumpare ang may birthday.

Habang nasa kalagitnaan ng inuman ay nagkaroon ng di pagkakaunawaan ang biktima at suspek na nauwi sa matinding pagtatalo.

Agad namang inawat ng kanilang mga kainuman ang biktima at suspek.

Unang umuwi ang biktima, subalit inabangan pala nito ang suspek sa kanyang sasakyan at pinaputukan, subalit hindi tinamaan ang huli.

Bumunot ng baril ang suspek at gumanti ng putok sa biktima at tinamaan.

 

Show comments