Trader patay sa holdap

MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyante matapos manlaban sa hindi pa nakikilalang holdaper na bumiktima sa kanya sa Malate, Maynila noong Huwebes ng hatinggabi.

Dakong alas-7:05 ng gabi noong Sabado ay nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Manila Doctors Hospital ang biktimang si Murali Rajappan, 44, isang negosyante na residente ng Timog Park Homes, Angeles City, Pampanga.

Sa ulat ni PO3 Ronald Gallo ng  Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-11:40 ng hatinggabi noong Huwebes ay nakitang nakabulagta ang biktima ng mga residente ng Bocobo St., Malate, Maynila.

Agad namang sinaklolohan ang biktima at isinugod sa Ospital ng Maynila pero inilipat din ito sa Manila Doctors Hospital.

Sa inisyal na imbes­tigasyon ng pulisya, lumilitaw na biktima ng holdap ang negosyante dahil nawawala ang kanyang mga importanteng kagamitan tulad ng relo, wallet at cellphone.

Ayon sa pulisya, posible umanong nanlaban ang biktima sa salarin kaya ito binaril ng malapitan.

Gayunman, nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng Manila’s Finest para matukoy ang tunay na motibo ng krimen at madakip ang salarin.

Show comments