Pintor pa-traydor na binaril

MANILA, Philippines -Patraydor na binaril sa ulo ang isang 40-anyos na pintor ng hindi pa kilalang suspek nang magpaalam sa kanyang misis na may pupuntahan matapos na sila ay maghapunan kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.

Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ay nakilalang si Jul Damil, may-asawa at residente ng no. 1289 C. Tuazon St., Malate, Maynila.

Batay sa ulat, bago naganap ang pamamaril sa biktima dakong alas-11:00 ng gabi sa Road 1, F. Muñoz St., Sin­galong, Malate, Maynila ay nagmamadali itong nagpaalam sa kanyang misis na si Lolita Damil, 38, habang sila ay magkasalo sa hapunan na may katatagpuin na ang pa­ngalan ay “Aweng” sa Meding St.

Hindi pa nagtatagal ay may nagbalita kay Lolita na binaril ang kanyang mister kaya’t sumugod sa lugar at dito ay nakitang binubuhat ng mga nagmagandang-loob para dalhin sa  pagamutan, subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Batay sa imbestigasyon, habang naglalakad ang biktima ay biglang sumulpot sa kaniyang likuran ang suspek at walang sabi-sabing pinaputukan sa ulo.

 

Show comments