MANILA, Philippines -Ikinadismaya ng mga kasamahan ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa Kamara ang pagpapalabas ng Court of Tax Appeal (CTA) ng freeze order sa bank deposits nito.
Ayon kina Reps. Elpidio Barzaga (Dasmariñas City, Cavite) at Ben Evardone (Eastern Samar), kagulat gulat at masama ang timing ng freeze order laban kay Pacquiao.
Hindi anya magandamg tingnan na inilabas ang desisyon ng CTA, isang araw matapos ang panalo ni Pacquiao laban kay Brandon Rios na ipinagdiwang ng buong bansa at nagbigay ng inspirasyon sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Makakaapekto din umano ito sa planong pagtulong ni Pacquiao sa mga biktima ng bagyong Yolanda na balak nitong bisitahin at personal na dalhan ng tulong.
Nais din ni Barzaga, chairman ng House Committee on Games and Amusement na siyasatin ang tax case ni Pacquiao na pinag-ugatan ng freeze order sa bank deposit nito.
Nabatid na nag-ugat ang P2.2 bilyon tax case ng peoples champ dahil sa umanoy kabiguan nito na ideklara sa income tax returns ang milyon milyong dolyar na kinolekta ng internal revenue service ng Estados Unidos sa mga premyo nito sa panalo sa boksing mula 2008 hanggang 2009.