Holdaper na rapist itinumba

MANILA, Philippines - “Holdaper ako at rapist, huwag pamarisan.”

Ito ang nakasulat sa isang papel na nakalagay sa katawan ng bangkay ng isang lalaki na nakahandusay malapit sa isang condominium building kahapon ng madaling-araw sa Mandaluyong City.

Ang biktima ay inilarawan na may taas na 5’3”, nakasuot ng t-shirt at short. Sa ulat, dakong alas-4:20 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa tabi ng  condominium building sa Pines St., kanto ng Sheridan St., Barangay Highway Hills ng lungsod.

Ang biktima na nakabalot ng packaging tape sa bibig ay may tama ng bala sa ulo at nakatali ng alambre ang leeg at kamay.

Samantala, hinihinalang biktima rin ng salvage ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na natagpuan na nakalutang sa batis ng Brgy. Aguado, Trece Martires City, Cavite kamakalawa ng alas-12:15 ng tanghali. 

Inilarawan ang biktima na nasa pagitan ng 30-40 ang edad, may taas na 5’6”-5’8”, nakasuot ng maroon na t-shirt at puting brief at nakagapos ng packaging tape ang mga kamay at  paa.

 

Show comments