Kotse sumalpok sa bus... nag-overtake sa kamatayan

MANILA, Philippines - Tatlong katao na sakay ng isang kotse ang nasawi nang salpukin ng kasalubong na minibus matapos na mag-overtake kahapon ng madaling-araw sa highway ng Bacolod City, Negros Occidental.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Christian Gabana, 28, driver ng puting Nissan Sentra, at dalawang sakay na sina Ma. Regine dela Peña at Jackie Jimenez; pawang mga residente ng lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:00 ng madaling-araw ay binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng national highway sa Purok Lacson, Brgy. Mandalagan na galing sa hilagang direksyon at patungo sa katimugan kasunod ng isang truck.

Bigla na lamang umano itong nag-overtake sa truck, subalit hindi na nito nakita ang kasalubong na Cebro mini bus na patungo sana ng paliparan.

Sa lakas ng banggaan ay namatay sa lugar ang dalawa sa mga biktima habang binawian naman ng buhay sa pagamutan ang isa pa.

Nasugatan naman ang driver ng mini bus na si Jerry Serrano.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.

Show comments