Tsinay tinarakan ng patalim sa leeg

MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan ang isang 63-anyos na Tsinay na ang patalim ay nakatarak pa sa  kanyang leeg sa loob ng  kanyang bahay kahapon ng umaga sa Quezon City.

Ang biktima ay kinilalang si Rosita Lee, store owner, at residente ng no. 51-G, Sta Veronica St., Villareal, Brgy. Gulod, Novaliches sa lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-6:00 ng umaga nang matuklasan ang krimen nang magtungo ang isang kapitbahay ng biktima na nakilalang si Cipriana Serrano sa bahay nito.

Sa salaysay ni Serrano sa pulisya, nagtaka umano siya nang makitang nakabukas ang pintuan ng tindahan at kinatok niya ito, subalit walang sumasagot.

Kinabahan si Serrano nang makita na nagkalat ang mga paninda kaya’t nagpasya siyang tignan ito sa ikalawang palapag ng kanyang kuwarto, at nakita ang biktima na nakahiga at natatakpan ng unan ang ulo.

Lalong nagulat si Serrano nang makita ang patalim na nakatarak sa leeg nito kaya agad na ipinagbigay alam ni Serrano ang insidente sa himpilan ng barangay na siya namang tumawag ng pulisya.

Naniniwala ang pulisya na mga magnanakaw ang gumawa ng krimen sa biktima dahil nawawala ang cell phone at camera nito.

Nabatid na mag-isa lamang sa kanyang bahay ang biktima habang tinataguyod ang sarili sa pagtitinda.

Show comments