Mister lasog sa SUV

MANILA, Philippines - Nalasog ang katawan at agad na nasawi ang isang mister makaraang mabundol ng isang rumaragasang Sports Utility Vehicle (SUV) habang ang biktima ay tumatawid sa kalsada sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay PO3 Perlito Datu ng Quezon City Police Traffic Sector 3, nakilala ang nasawi na si  Antonio Calip, 42, ng C.P. Garcia St., Brgy. Kruz na Ligas, ng nasabing lungsod.

Arestado naman ang driver ng SUV na si Richard Valentin, 20, nakatira sa No.183 9th St., Caloocan City. Nangyari ang insidente sa C.P. Garcia St. Barangay Kruz  na Ligas, ganap na ala-1:00 ng madaling araw.

Naglalakad sa naturang lugar ang biktima nang mabangga ng Honda Civic na may plakang POJ-301 na minamaneho ng suspek.

Tumilapon ang biktima, pero sa halip na huminto ang suspek ay tinakasan niya ito at sa kanyang mabilis na pag-arangkada ay nabangga nito ang isang taxi kaya siya naaresto.

 

Show comments