Sandigan ng mga nakaligtas dasal, pananalig sa diyos

Ang management at mga empleyado ng Philippine Star Group of Companies habang abala sa repacking ng bigas at iba pang relief goods na ipinadala sa mga biktima ng super bagyong si ‘Yolanda’ sa Visayas region. -VAL RODRIGUEZ-

MANILA, Philippines - Pananalig sa Diyos at taimtim na dasal ang sandigan at pinaghuhugutan ngayon ng lakas ng loob ng mga nakaligtas sa bagyong Yolanda sa Tacloban City.

Ang mga nakaligtas sa delubyo ay nagsimba kahapon at nakinig sa banal na misa sa Sto. Niño Church sa Tacloban City.

Sa kaniyang homily, ipinaalala ni Monsignor Alex Opiniano na sa kabila nang mapait na karanasan ng tao, mahalaga pa rin kilalanin at ipagpasalamat ang kabutihan ng Panginoon.

Ayon kay Monsignor Opiano, pagkakataon din ito para mas lalong ma­ging malapit sa Diyos tulad ng mga apostol noon na sumagupa sa malalaking alon pero hindi nawalan ng tiwala sa Panginoon.

Patuloy na nagpapa­salamat sa Diyos ang mga nakaligtas sa trahedya dahil binigyan pa sila ng panibagong buhay kahit nawala ang kanilang mga mahal sa buhay dahil sa sakuna.

Sinabi naman ni Violeta Simbulan, kahit na dinanas nila ang mapait na karanasan na hatid ng delubyo ng bagyong Yolanda ay hindi nawala sa kanila ang pananampalataya sa Diyos kahit ilan sa kanyang kaanak ang nasawi.

Maging sa bayan ng Guiuan sa Eastern Samar ay dumagsa din ang mga mananampalataya at nakinig ng banal na misa kahapon.

Nasa 300 biktima ng Yolanda mula sa ba­yan ng Guiuan na unang tinamaan ni bagyong Yolanda ang nagsimba kahapon sa Concepcion Church na nawasak din ng bagyo.

Ayon kay Belen Curila, 71 anyos na nakaligtas sa bagyo, nagpapasalamat siya sa Diyos dahil binigyan pa siya ng panibagong buhay matapos makaligtas sa bagyo.

Aniya, ang Diyos ang nagpapatatag sa kanyang pananampalataya at pinatatag din siya kaya nakaligtas sa delubyong dala ni bagyong Yolanda.

Tinukoy naman ni Fr. Arturo Cabiao sa kanyang homily ang matatag na pananampalataya ng mga Katoliko kaya nakaligtas pa din ito sa super bagyo.

Nagtungo kahapon si Pangulong Benigno Aquino III sa bayan ng Guiuan, Eastern Samar upang damayan ang mga biktima ng bagyo at maghatid ng relief goods.

Muli ring binisita ng Pangulo ang Tacloban City kahapon at naghatid din ng relief goods saka nakipag-usap sa mga biktima at sinigurong katuwang ang gobyerno sa muli nilang pagbangon.

Show comments