2 kawani ng telcom dinukot sa Sulu
MANILA, Philippines - Dinukot ng sampung armadong kalalakihan na umano ay mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang dalawang laÂlaki na kawani ng Globe telecoms kamakalawa sa Brgy. Latih, Patikul, Sulu.
Ang mga dinukot ay nakilalang sina Nasri Abubakar, 40, technician ng Globe na nakabase sa Zamboanga sa ilalim ng Quiter Company at Dennis Aloba, 30, installer.
Sa ulat ni 2nd Marine Brigade Commander at Task Force Sulu Commander Col. Jose Johriel Cenabre na bandang alas-3:55 ng hapon nang maganap ang pagdukot sa dalawang biktima sa bisinidad ng Sitio Santol, Brgy. Latih, Patikul ng lalawigan.
Ang insidente ay inireport sa isang detachment ng Philippine Marine ni Aquino Hadjula, kasamahang empleyado ng mga bihag matapos itong makatakas lulan ng motorsiklo.
Nabatid na ang mga biktima ay lulan ng motorsiklo patungo sa bayan ng Patikul nang harangin sa highway ng nabanggit na lugar ng sampung mga armadong bandido.
Walang nagawa ang dalawang bihag matapos ang mga itong tutukan ng baril at kaladkarin patungo sa direksyon ng pinagkukutaan ng mga ito sa kagubatan.
Masuwerte namang nakaligtas si Hadjula bagaman pinaputukan ito ng mga kidnapper matapos nitong paharurutin ang minamanehong motorsiklo.
- Latest