MANILA, Philippines - Itinumba ang isang barangay chairman ng kanyang kapitbahay makaraang sitahin ng biktima ang suspek dahil sa ‘jumper’ o pagnanakaw ng kuryente sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Chinese General Hospital (CGH) dahil sa tatlong balang bumaon sa ulo at katawan ng biktimang si Armando Ramos, 57, Punong Barangay ng Brgy. 209, Zone 19 at residente ng #2637 Severino Reyes St., Tondo, Maynila.
Ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen ay kinilalang si Eduardo Manansala, alyas “Eddie Pusa at Eddie Bulagâ€, kapitbahay ng biktima.
Sa ulat ni SPO1 Jonathan Moreno ng Manila Police District-Homicide Section, nabatid na dakong alas-7:46 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng biktima.
Ayon sa report, sinita ng biktima ang suspek dahil sa pagnanakaw nito ng kuryente (jumper).
Nagalit umano ang suspek kaya kinuha nito ang kanyang baril at sunod-sunod na pinaputukan ang biktima.
Nabatid din sa imbestigasyon na dati na ring may alitan ang dalawa at muli lamang uminit nang sitahin ng biktima ang suspek.