MANILA, Philippines - Napatay ang dalawang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang anim naman ang nasugatan kabilang ang apat na sundalo sa magkahiwalay na bakbakan sa pagitan ng magkalabang puwersa sa Brgy. Mariawa, Legazpi City, Albay kahapon ng umaga.
Ang mga nasugatang sundalo ay nakilalang sina Pfc Valentino Reñon, Pfc Melvin Navarro, Pfc Henry Niño at Pfc Ryan Majistrado na naatasang maÂngalaga sa seguridad ng mamamayan na nagtutungo sa mga sementeryo umpisa pa nitong Nobyembre 1 hanggang kahapon.
Batay sa ulat, bandang alas-5:30 ng umaga nang makabakbakan ng nagpapatrulyang tropa ng mga sundalo ng 21st Infantry Battalion (IB) at 92nd Division Reconnaissance Company (DRC) ang may 10 rebelde sa lugar sa pamumuno ni Antonio Abadiza alyas Ka Flatop.
Tumagal ng mahigit sampung minuto ang palitan ng putok na ikinasugat ng mga sundalo at pagkasugat ng dalawang rebelde.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang cal 45 pistol, tatlong backpacks, personal na mga kagamitan, anim na hammock, isang magazine pouch para sa K3 SAW, isang bandoleer ng M16 rifle, anim na magazine, isang Motorola, isang cell phone at mga subersibong dokumento.
Bandang ala-1:00 naman ng hapon ng muling makasagupa ng tumutugis na tropa ng mga sundalo kasama ang mga K9 dogs sa lugar ang mga papatakas na rebelde na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang kasamahan at pagkakarekober ng isang M16 rifle at isang M14 rifle.