PNP official utas sa tandem

Masusing Iniimbestigahan ng mga tauhan ng QCPD-SOCO ang bangkay  ni P/Inps. Romeo Ricalde, hepe ng SOU-NPD na inambus ng tandem sa Quezon City, kamakalawa ng gabi. -Bening Batuigas-

MANILA, Philippines - Utas ang isang opis­yal ng Philippine National Police (PNP) matapos tambangan ng hindi nakikila­lang suspek na riding-in-tandem na naganap sa Hazer Street, Barangay Pansol, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay kinilalang si Police Chief Ins­pector Romeo Ricalde Jr., hepe ng Special Operations Unit ng  Northern Police District (SOU-NPD).

Ayon sa report, pauwi na sana ang biktima lulan ng kanyang sasakyan na Sports Utility Vehicle (SUV)  na may plakang NLI-902 nang paulanan ng bala ng baril ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Sinabi ni Bernadette, asawa ng biktima,  mara­ming natatanggap na death threats ang kanyang mister mula sa mga taong nasasagasaan ng kanyang trabaho bilang pinuno ng SOU-NPD.

Ani Bernadette, mayroon ding kapwa pulis ang kagalit  ng asawa na naiinggit umano sa kanyang trabaho.

Narekober ng mga imbestigador ang iba’t ibang basyo ng bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril at maging ang M-14 armalite na posibleng pag-aari ng biktima.

Sa ngayon ay nagsa­sagawa ng masusing im­bestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang tunay na motibo ng krimen.

Lahat ng anggulong na maaring ikalutas ng krimen at ikadarakip ng mga salarin ay tinututukan ngayon ng mga tauhan ng Quezon City Police District.

Show comments