MANILA, Philippines - Malaki ang pangamba ngayon ng Department of Education (DepEd) sa posibleng masamang epekto na idudulot ng kontrobersyal na pakikipagrelasyon ng singer na si Freddie Aguilar sa isang 16-anyos na babae sa iba pang menor-de-edad na babaeng estudyante sa bansa.
Ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali na maaaring may epekto sa emosyonal na kalagayan ng mga kabataang babae ang kontrobersya lalo na ang mga nakararanas ngayon ng tinatawag na “first love†sa mas nakakatandang lalaki.
Hindi malayong gayahin umano o ipagtanggol rin ng ibang kabataang babae ang maagang pag-iibigan kahit na sa napakamurang edad lalo na’t nakakatanggap ng matinding “media mileage†ang kontrobersya.
Aniya, binabalak rin ng DepEd na kausapin ang dalagitang karelasyon ni Aguilar at ang pamilya nito para mabigyan ito ng “scholarship†para maipagpatuloy ang pag-aaral.
Samantala, sinabi naman ni Aguilar na handa niyang harapin ang kasong “qualified seduction†na isinampa sa Quezon City Regional Trial Court ng abogadong si Fernando Perito. Iginiit ni Aguilar na wala umano siyang sini-seduce at hindi na kukuha ng abogado dahil sa kaya niyang ipagtanggol ang sarili.
Hindi na rin umano niya pinapansin ang mga batikos sa kanya lalo na sa mga “social networking sites†dahil sa pakikipagrelasyon sa batam-batang babae. Hindi na umano ito bago dahil maging mga dayuhang celebrities ay nangyayari rin ito.