Kartero natagpuang patay

MANILA, Philippines - Isang dating kartero ng Manila Postal Office ang natagpuang walang buhay  sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.

Hinihinalang may ilang oras nang patay ang biktimang si Bejamin Logarto, 80, stay-in sa Manila Postal Office sa Arroceros, Ermita.

Sa ulat ni SPO1 Charles John Duran ng Manila Police District -Homicide Section, dakong alas-6:41 ng umaga nang madiskubre ang biktima sa harapan ng Parcel area sa loob ng Manila Postal Office ng maintenance personnel  na si Romeo Marquez.

Huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-5:00 kamakalawa ng hapon.

Nabatid na noong magretiro bilang kartero ang biktima ay nakiusap ito na manatili bilang caretaker ng Post Office upang doon na rin manirahan.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Show comments