MANILA, Philippines - Pinatawan ng 30-days Preventive Suspension Order ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang Super Line bus na nasangkot sa madugong vehicular accident na ikinasawi ng 21 katao.
Ayon kay Jera Sison spokesperson ng LTFRB, magpapalabas ng Preventive Suspension Order ngayong araw ang tanggapan ni LTFRB chairman Atty.Winston Gines laban sa Super Line bus na nasangkot sa naturang aksidente.
Sa isang text message sinabi ni Sison na inaantay pa nila ang police report mula sa Quezon PNP para sa kanilang isasagawang imbestigasyon hinggil sa naturang trahedya.
Ayon pa kay Sison batay sa kanilang nakuhang impormasyon mula sa Regional IV Director Atty. Bob Peig sinuyod ng Super Line bus ang walong sasakyan sa Atimonan, Quezon na ikinasawi ng 21 na pasahero.
Nabatid sa ulat na halos nagkalat sa lansangan ang mga gamit ng mga pasahero at bangkay ng mga biktima sa naganap na madugong aksidente.
Sinabi sa ulat na tinatahak ng Super Line bus ang hiway ng Atimonan, Quezon sa Brgy. Sta Catalina nang maganap ang aksidente dakong 1:30 ng madaling araw noong Sabado.
Kaugnay nito nanawagan naman ang Public Commuter Motorist Alliance (PCMA) sa Department of Transportation and Communication, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa naturang madugong vehicular accident na kumitil ng maraming buhay.