MANILA, Philippines - Pumalo na sa 180 katao ang nasawi sa 7.2 magnitude ng lindol sa Central Visayas partikular na sa Cebu at Bohol.
Sinabi ni AFP Central Command Spokesman Lt. Jim Aris Alagao, nasa 180 na ang kabuuang naitalang bilang ng mga nasawi kaugnay ng patuloy na search and retrieval operation sa mga lugar na grabeng pininsala ng lindol.
Ayon kay Alagao sa 180 death toll, 167 rito ay sa Bohol, 12 sa Cebu at isa sa Siquijor.
Nasa 12 katao pa ang pinaghahanap na paÂwang mula sa mga bayan ng Loon, Sagbayan at Clarin; pawang sa lalawigan ng Bohol.
Sa report naman ng National Disaster Risk Reduction and MaÂnagement Council (NDRRMC), nasa 487 ang sugatan kung saan 393 rito ay sa Bohol; 89 sa Cebu, tatlo sa Siquijor, isa sa Iloilo at isa rin sa Negros Oriental.
Sinabi ni NDRRMC Executive Director EduarÂdo del Rosario ang lindol ay nakaapekto sa may 695,466 pamilya o kabuuang 3,492,496 katao sa Central Visayas. Pumalo na sa 1,846 ang naitalang aftershocks sa Bohol at Cebu.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga pamilyang naapektuhan sa matinding delubyo ng lindol.