Landfill sa Gapo pinanggalingan ng mga daga

MANILA, Philippines - Ang patuloy anya na pagtaas ng sakit na leptospirosis sa Olongapo City ay dahil sa landfill sa lungsod na bina­bahayan ng mga daga.

Ayon kay Dais Diaz, 49, may-asawa residente ng Barangay New Cabalan mula umano nang itinayo ang landfill ay ngayon lamang sila nakakita ng napa­karaming daga na nagkalat sa kanilang lugar na tuwing sasapit ang gabi ay nagsisilabas ang daan-daang mga daga at pumapasok sa kanilang bahay.

Kaya hinala ni Daisy na maaaring ito umano ang dahilan ng pagdami ng bilang ng mga biktima ng leptospirosis na usong sakit sa lungsod na nagsimula nitong nagdaang habagat.

Sinabi naman ni Jerladine Cuison, isa rin sa resi­dente ng barangay, madalas umanong perwisyuhin ang kanyang tindahan dahil sa minsang paggising niya ay ubos na ang kanyang paninda dahil sa dami ng mga daga na halos malaki pa sa kanilang mga pusa.

Ang nasabing landfill o dumpsite ng lungsod ay nasa 5 kilometro ang layo mula sa siyudad at 20 metro naman ang lapit nito sa mga residente ng barangay  na sinasabing isa sa pinagmulan ng dumaraming sakit ng leptospirosis.

Umabot na sa 589 pasyente ang tinamaan ng leptos­pirosis mula sa pinakabagong naitala sa ospital ng James L. Gordon Memorial Hospital at nasa labing-isa na ang namamatay dito mula noong Lunes.

 

Show comments