Tahanan ng ama ni LJ Moreno, nilooban... akyat-bahay gang sumalakay

MANILA, Philippines - Sumalakay ang hindi pa kilalang mga kawatan na Akyat-bahay Gang sa tahanan ng ama ng aktres na si LJ Moreno-Alapag at tinatayang aabot sa P.3 milyon ang halaga ng mga ari-arian ang natangay sa Pasig City kamakalawa ng hapon.

Unang napabalita na ang ninakawan ay ang tahanan ni LJ, Lari Jeanne Moreno-Alapag sa tunay na buhay at asawa ng Philippine Basketball Association (PBA) at Team Pilipinas star player na si Jimmy Alapag.

Pero sa kanyang Twitter account ay nilinaw ng aktres na ang tahanan ng kanyang ama ang pinasok ng mga magnanakaw.

Ayon kay P/Chief Insp. Glen Magsino, hepe ng Criminal Investigation Section ng Pasig City Police, dakong alas-4:30 ng hapon nang madiskubre ang pagnanakaw sa ta­hanan ng ama ni LJ na matatagpuan sa 35 San Manuel St., Barangay Kapitolyo, Pasig City.

Sa report nina PO3 Eduardo Pablo at PO3 Laurence Punzalan, nadiskubre ang pagnanakaw ng kapatid ni LJ na si Alodia, 15, na kagagaling lamang sa paaralan matapos na makitang bukas ang pintuan sa likurang bahagi ng kanilang tahanan.

Kabilang sa natangay ng mga suspek ay maha­halagang gamit tulad ng Mac book Pro, isang Iphone, isang Ipod, limang iba’t ibang klase ng relo at iba pang importanteng kagamitan.

Show comments