MANILA, Philippines - Patay ang dalawang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) habang lima pa ang nasugatan sa panibagong sagupaan na tumagal ng 2 oras sa M’lang, North Cotabato kahapon ng umaga.
Sinabi ni Capt. Antonio Bulao, Spokesperson ng Army’s 602nd Infantry Brigade, nakasagupa ng mga sundalo ang may 40 BIFF rebels na lulan ng bangka matapos ang mga itong dumaong sa baybayin ng Brgy. Tibao ng nasabing bayan dakong alas-5:00 ng umaga.
Ang grupo ng mga rebelde ay pinamumunuan ng dalawang BIFF Commander na sina Gani Saligan at Bigcog. Ang bakbakan ay tumagal ng hanggang alas-7:00 ng umaga na ikinasawi ng dalawa sa panig ng mga kalaban habang lima naman sa mga ito ang nasugatan na binitbit ng mga nagsitakas na mga kasamahan patungo sa bayan ng Kabacan.
Wala namang naitalang nasugatan at nasawi sa panig ng pamahalaan. Narekober ng tropa ng gobyerno sa pinangyarihan ng bakbakan ang mga bangkang ginamit ng BIFF rebels.