MANILA, Philippines -Apat na lalaki kabilang ang dalawang bagitong pulis ang dinakip matapos ireklamo nang panghoholdap sa saklaan sa isang lamay kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina PO1 Froilan Deocaris, 31, nakatalaga sa Sub-Station 2 ng Caloocan City Police; PO1 Louie Aaron Siscar, 30, nakatalaga sa Regional Police HolÂding AdmiÂnistrative Unit (RPHAU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO); at dalawang sibilyan na sina John Eric Dimal, 24 at Elvin Garcia, 35.
Batay sa ulat, dakong alas 9:10 ng gabi noong Linggo nang maaresto ang mga suspek lulan ng isang kotse sa kahabaan ng Hernandez St., Brgy.Catmon ng lungsod.
Bago ang pagdakip sa mga suspek ay sinalakay nito ang isang saklaan sa lamay ng isang patay na babae sa naturang lugar.
Sa halip na hulihin ang operator at mga tumataya, tinangay umano ng mga suspek ang perang puhunan at maging mga taya ng mga tao.
Agad namang humiÂngi ng saklolo ang opeÂrator ng sakla sa Police Community Precinct 9 na nakakasakop sa lugar na agad na nagtatag ng isang checkpoint.
Naaresto ang apat na suspek lulan ng isang kulay gray na ToÂyota Corolla (TCX-237).
Hindi nanlaban ang mga suspek ngunit itiÂnanggi ng mga ito ang akusasyon ng panghoholdap sa saklaan.