Pinasok ng magnanakaw… Pamilya, 6 minasaker

MANILA, Philippines - Pawang sa mga ulo ti­nira ang anim na katao habang isa ang nasa kritikal na kondisyon matapos na sila ay pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga miyembro ng Akyat-Bahay gang na pumasok sa kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa isang subdibisyon sa San Fernando City, Pampanga.

Kinilala ang mga nasa­wing biktima na sina Corazon Salas Edejer, 47; anak nitong si Kenneth, 19; mga kasambahay na sina Nelson Dominico, 17; Teresita Lansangan-Camiling, 40, Benigno “Bong” Ingar Jr., 52 at isang alyas Kaykay, 27; pawang residente ng No.19 Molave St., L&S Subdivision, Brgy. Telabastagan ng lungsod.

Nasa kritikal na kondis­yon sa Sacred Heart Hospital ang mister ni Corazon, may-ari ng pinasok na bahay na kinilalang si Nicolas, 42, nagtamo ng tama ng bala sa ulo.

Ang mag-asawang Edejer ay bangus dealer at may money lending business.

“ The victims suffered headshots, all angles as to the motive of the crime were being look into”, ayon pa sa pulisya.

Nakaligtas naman sa insidente ang dalawang anak ng pamilya na isang 17-anyos na dalagita at isang siyam na taong gulang na batang lalaki dahilan wala ang mga ito sa kanilang bahay.

Sa ulat, pasado alas-8:00 ng gabi nang madiskubre ang krimen matapos na umuwi ang batang lalaki galing sa paglalaro sa bahay ng kaibigan nito.

Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal.45 pistol kung saan wala umanong narinig na putok ng baril ang mga kapitbahay ng mag-asawa kaya pinaniniwalaang gumamit ng silencer ang mga suspek.

Tumakas ang mga sus­pek gamit ang pickup ni Nicolas kung saan natagpuan ang behiku­lo na inabandona sa isang liblib na lugar sa Con­cep­cion, Tarlac.

Inaalam kung magka­nong halaga ang natangay ng mga suspek sa bahay ng mag-asawang Edejer.

Show comments