MANILA, Philippines - Upang tiyakin ang peace and order sa Metro Manila ay isinailalim na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa heightened alert status ang buong puwersa nito.
Ang heightened alert ay epektibong ipinatupad base sa direktiba ni NCRPO Director P/Chief Supt. Marcelo Garbo Jr., upang tiyakin na walang spillover ng gulo sa Zamboanga City sa Metro Manila, pagsabog sa dalawang sinehan sa SM Mall at Gaisano Mall sa Davao City kamakailan at pangatlo ay ang mainit na isyu ng mga kilos protesta kontra Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Patuloy rin ang monitoring sa presensya ng mga miyembro at opisyal ng Misuari breakaway group sa Metro Manila kung saan inatasan ni Garbo ang limang District Police Director ng NCRPO na makipagdiyalogo sa mga komunidad ng mga Muslim.