Mangingisda ng Masinloc, pumalag sa kontrol ng China sa Panatag Shoal

MANILA, Philippines - Nanawagan ang mga residente ng Masinloc sa Zambales sa gobyerno na bilisan ang framework agreement na magpapalakas sa kooperasyon ng Pilipinas at  Amerika upang mapabilis ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.

Kinondena nila ang ilang progresibong grupo at indibidwal na tutol sa pag-uusap ng Malacañang at White House para ma­kabuo ng masasandigang kasunduan kaugnay ng pagdaragdag ng bilang ng US troops sa bansa.

Kinumpirma ni Masinloc Mayor Desiree Edora ang mga ulat ng ilang insidente ng pagtaboy sa kanilang mga mangi­ngisda  ng mga armadong kalalakihang sakay ng Chinese vessels malapit sa Bajo de Masinloc.

Todo ang panawagan ni Edora sa pambansang gobyerno na alalayan sila sa pinagdaraanang krisis ng kanyang bayan at mamamayan sa patuloy na pananakot ng mga armadong Chinese sa kaawa-awa nilang mangingisda na umaasa ng ikabubuhay sa yaman ng kanilang karagatan.

“Ang malaking bilang ng US troops at presensiya nito sa buong South East Asia ay sapat na para magdalawang-isip ang alinmang agresibong puwersa na sakupin ang teritoryo at yurakan ang sobereniya ng nagsasarili at demokratikong bansa tulad ng Pilipinas.” Wika pa ni Ebora.

Show comments