Mag-asawa rin sa Valenzuela patay din… ABC prexy, misis dedo sa tandem

MANILA, Philippines -Pinagbabaril ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang isang presidente ng Association of Brgy. Chairman (ABC) President at misis nito kaha­pon ng madaling-araw sa highway ng Brgy. Loria, Angadanan, Isabela.

Namatay noon din ang mag-asawang sina Arnold Pastor, chairman sa Brgy. Loria, ABC President at mi­sis nitong si Lailanie Pastor.

Batay sa ulat, dakong alas-2:55 ng madaling-araw ay kasalukuyang lulan ang mag-asawa ng kanilang  kulay abong Toyota Hilux (UPQ-672) galing sa lamay ng isang Mauricio Ancheta sa kanilang barangay nang sundan at pagbabarilin ng mga suspek ang kanilang behikulo na ikinasawi ng mag-asawa.

Kasalukuyang iniim­bestigahan ng pulisya kung may kinalaman sa nalalapit na barangay election sa darating na Oktubre ang pamamaslang.

Samantala sa Valen­zuela City, nasawi din ang mag-asawang Ariel, 43 at Lourdes Serenilla, 49 ng Manotok Subdivision, Barangay Ma­rulas ng naturang lungsod matapos na pagbabarilin ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat, naganap ang insidente dakong  alas-10:35 ng gabi sa kahabaan ng Anak Dalita St., Barangay Marulas ng naturang siyudad habang ang mag-asawa ay sakay ng kanilang tricycle  at nilapitan ng suspek na nakamotorsiklo at pagsapit sa naturang lugar ay pinagbabaril ang mag-asawa.

Patuloy ang imbestigas­yon ng pulisya kung ano ang motibo ng pamamaslang sa mag-asawa.

Show comments