Napoles nasa Laguna na

Mahigpit ang seguridad na ipinatutupad ng mga awtoridad sa lahat ng  sasakyan na lalabas at papasok sa loob ng Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna makaraang ilipat doon si Janet Lim Napoles. EDD GUMBAN

MANILA, Philippines - Mula sa Makati City Jail ay inilipat na kahapon sa Fort Sto. Domingo, Sta. Rosa, Laguna si Janet Lim-Napoles, ang umano’y utak sa P10-billion pork barrel scam.

Kinumpirma ni Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, hepe ng Philippine National Police public information office, ang pag­lipat  kay Napoles ganap na alas-6:00 ng umaga.

“I confirm Napoles’ transfer from Makati City Jail (MCJ) to Sta. Rosa, Laguna,” sabi ni Sindac.

Hindi naman siya nagbigay ng anumang detalye maliban sa si Napoles ay inalis sa MCJ at dumating sa Fort Sto. Domingo ng alas-6:00 ng umaga.

Si Napoles ay ibinigay ni MCJ officer-in-charge Chief Insp. Fermin Enri­quez kay Supt. Francis Allan Reglos, ang commandant ng PNP Special Action Force School sa Fort Sto. Domingo.

Ang paglipat ni Napoles ay nangyari dalawang araw matapos aprubahan ng Makati City Regional court ang paglipat nito sa pasilidad ng Laguna para umano sa kanyang seguridad.

Itinuring na ‘high profile inmate’ si Napoles dahil sa kasong kanyang kinakaharap na nagpainit sa mamamayan dahil sa umano’y ‘pagnanakaw’ sa pera ng bayan.

 

Show comments