Roro bus vs van: 7 todas

MANILA, Philippines - Aksidenteng nagsalpukan ang isang roll on, roll off (roro) bus at van sa Pa­lawan na ikinasawi ng 7 katao naganap kahapon ng hapon sa Puerto Princesa City, Palawan.

Sa ulat ni Sr. Supt. Abad Hesito Osit, Director ng Puerto Princesa City Police, dakong alas-3:05 ng hapon nang maganap ang sakuna sa kahabaan ng KM 26, Brgy. Santa Lucia ng lungsod.

Kasalukuyan pang ina­alam ang pagkakakilanlan ng mga nasawing biktima na pawang namatay noon din sa lugar kabilang ang anak ng dalawang aboga­do ng pamahalaan ng lalawigan ng Palawan.

Nabatid pa kay Osit, ang mga nasawi ay pawang sakay ng Toyota Innova van na halos nayupi na parang lata.

Mabilis namang isinugod sa pagamutan ang mga nasugatang pasahe­ro na kasalukuyan pang inaalam ang eksaktong bilang.

Sa inisyal na ulat, kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang Roro bus na ga­ling Puerto Princesa City at patungo sa katimugang direksyon nang makabanggaan ang pribadong Toyota Innova na sinasakyan ng mga nasawing biktima.

Sa lakas ng banggaan ay agad na nasawi ang pito sa mga biktima matapos na magtamo ng malulubhang sugat at maipit sa loob ng nayuping van.

Show comments