Pinoy workers sa Egypt sunggaban ang mandatory repatriation ng pamahalaan

MANILA, Philippines - Upang mapawi ang pangamba at agam-agam ng mga pamilya sa Pilipinas, umapela si Rep. Regina Reyes sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Egypt na makinig at samantalahin ang ipinatutupad na mandatory repatriation ng gobyerno.

Nagpahayag din ng suporta si Reyes na isa ring dating OFW sa House Bill 191 o batas patungkol sa pagbuo ng Department of Overseas Workers (DOW) na anya ay napapanahon lalo’t maraming kontrobersiya at iskandalo na bumabalot sa mga ahensiya at mga opisyal na taga-subaybay at taga-alalay ng mga OFW.

Anya sa  ilalim ng House Bill 191 na iniakda ni Pangasinan  Rep. Rosemarie Arenas ay lulusawin ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Authority (POEA) para sa pagbuo ng Department of Overseas Workers (DOW) na siyang hahawak sa deployment at repatriation ng mga OFW.

Sa ilalim rin nito ay ililipat ang kapangyarihan at trabaho ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Fo­reign Affairs (DFA) sa DOW.

Layon ng DOW na magkaroon ng one stop agency para sa mga OFW upang hindi na mahirapan sa magkakahiwalay na ahensyang kailangang puntahan o makipag-ugnayan.

 

Show comments