MANILA, Philippines - Dalawang katao kabilang ang isang dating pulis ang inaresto sa parking lot ng Guwapotel, Bonifacio Drive, Port Area, Maynila, kamakalawa ng hapon matapos na sila ay positibong itinuro na namaril sa negosyanteng si Cristina Decena sa Quezon City kamakailan.
Ang dalawang suspek ay kinilalang sina dating PO1 Henry Quinones, na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF), residente ng no. 21 Kingstone Bagumbayan, Caloocan City at Edgardo Betilla ng Barangay Bagsud Poblacion Dos, Daet, Camarines Norte.
Pinaghahanap pa ang isa pang suspek na si PO1 Melvin Waga na nakatalaga sa Eastern Police District (EPD) na siyang humabol at bumaril sa sasakyan ni Decena. Hindi na umano lumulutang si Waga sa kanyang mother unit.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:00 nang hapon nang maaresto ang dalawang suspek sa nasabing lugar matapos na maispatan ang mga ito na may nakasukbit ng baril habang papunta sila sa kanilang sasakyan na Honda (XDS 392) na nakaparada sa parking ng hotel.
Nakuha sa pag-iingat ni Quinones ang isang kalibre 45 habang 9mm Berretta naman kay Betilla, laptop at hinihinalang drug paraphernalias.
Sa salaysay naman ni Decena, posibleng ang kanyang dating business partner ang nasa likod ng tangkang panaÂnambang sa kanilang mag-ina noong Martes.
“Kasi kapag napatay nila ako wala na yong kasong land grabbing at falsication na isinampa ko laban sa kanila,†ayon kay Decena.
Nabatid na nasa P220 milyon halaga ng property ang kasong isinampa ni Decena sa ayaw pangalanan na business partner na isang retiradong pulis.