Colonel na sabit sa Atimonan rubout nawawala

MANILA, Philippines - Isang police colonel na sangkot sa kaso ng mul­tiple murder sa kasong Atimonan rubout  na ikinasawi ng 13 katao kabilang ang hinihinalang gambling lord na si Vic Siman ang nawawala.

Ayon kay Public Information Office (PNP-PIO) Chief P/Sr. Supt.Reuben Theodore Sindac ang nawawalang opisyal ay si P/Sr. Supt. Ramon Balauag, dating hepe ng Police Intelligence Branch ng Quezon Police Provincial Police Office (PPO).

Si Balauag ay idineklarang AWOL (Absent Without Official Leave) mula pa nitong nakalipas na Hulyo 8 matapos na ilang beses na mabigong mag-report sa kaniyang unit sa Administrative Resource Management Division (ARMD) sa Headquarters Support Service  (HSS) sa Camp Crame.

Ipinag-utos naman ni HSS Director P/Chief Supt. Samuel Yordan ang imbestigasyon sa patuloy na pagkawala o AWOL ni Balauag bilang basehan ng summary dismissal proceedings laban dito alinsunod sa ipinatutupad na PNP Regulations Act.

Inihayag ni Sindac na maging ang pinakilos na mga operatiba para ha­napin si Balauag at arestuhin para maibalik sa kontrol ng PNP ay nabigong mahanap ang nawawalang opisyal sa address nito sa Quezon City.

Si Balauag ay kabilang sa 21 pulis na sangkot sa madugong Atimonan shootout na isasailalim sa restrictive custody umpisa pa noong Enero 23 kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon laban sa mga ito  kaugnay ng  pu­malpak na checkpoint na pinamunuan ni Sr. Supt. Hansel Marantan.

 

Show comments