Binaril sa ulo kahit na nagmamakaawa… adik tinuluyan ng kabaro

MANILA, Philippines - Mistulang bingi ang isang lala­king adik sa droga sa pagmamakaawa ng kasamahan nito na huwag siyang patayin ma­tapos ang kanilang pagtatalo habang nagla­la­ro ng dice sa loob ng abandonadong kuwarto na ginagawa nilang pot session sa Makati City ka­hapon ng madaling-araw.

Ang biktima na nama­tay habang ginagamot sa Ospital ng Makati ay nakilalang si Garry Pialago, 27, ng Rosal St., Barangay Pembo ng lung­sod dahil sa tinamong tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo.

Ang suspek na pinag­hahanap ng pulisya ay kinilalang si Raniel  Es­cobeta, 25, jobless, naka­tira sa Block 43, Lot 7, Yellow Bell St., Barangay Pembo.

Sa pagsisiyasat ng pu­lisya, bago naganap ang krimen dakong alas-4:00 ng madaling-araw sa isang abandonadong kuwarto na ginagawang pot-session ng mga addict sa Block 71, Lot 20, Mil­flores St., Barangay Rizal ay magkasamang nag­lalaro ng dice ang suspek, biktima at ilang kalalakihan.

Sa hindi malamang ka­dahilanan ay nagalit ang suspek at pinagugulpi  ang biktima na hindi na­kapalag nang bumunot ng baril ang una.

Itinutok ng suspek ang baril sa biktima na  nag­makaawa na huwag siyang patayin at maging ang ilang kalalakihan na naroon ay  nakiusap din na huwag silang idamay dahil may pamilya  sila.

Naawa ang suspek sa mga kalalakihan at pinalabas niya ang mga ito at tanging naiwan ang biktima sa loob ng kuwarto.

Ilang minuto pa la­mang nakakalayo ang mga kalalakihan ay nakarinig na sila ng putok ng baril at nakita na lumabas ang suspek at sinabi nito sa kanila na huwag silang maingay dahil patay na si Pialago.

Mabilis na tumakas ang suspek at agad na isinugod ng mga kala­la­kihan ang biktima sa naturang ospital, subalit binawian ito ng buhay.

Malaki ang hinala ng pulisya na away sa droga ang dahilan ng krimen dahil sa pinamumugaran ng mga drug addict ang lugar at naka-recover sa crime scene ang ilang drug paraphernalias.

Show comments