MANILA, Philippines - Mahigit 30,000 residente ang inilikas matapos na lumubog sa baha ang 16 barangay sa lalawigan ng Maguindanao at North Cotabato sanhi ng pag-apaw ng Liguasan Marshland dahil sa patuloy na mga pag-ulan sa loob ng nakalipas na tatlong araw.
Ang mga pag-ulan ay sanhi ng Intertropical Convergence Zone na nararanasan sa ilang bahagi ng Mindanao Region na naÂging sanhi rin ng pag-apaw ng Rio Grande River.
Kabilang naman sa mga mababang lugar na apektado ng mga pagbaha ay ang mga barangay sa Northern Kabuntalan, Kabuntalan Mother, Sultan Kudarat, Datu Piang, Talayan, Guindulungan, Datu Saudi, Datu Anggal, Datu Odin Sinsuat, Pagalungan at Datu Montawal pawang sa Maguindanao .
Samantalang sa North Cotabato ay ang ilang mga barangay naman sa mga bayan ng Pigcawayan, Libungan, Midsayap, Aleosan at Pikit na malapit sa marshland.
Sa Cotabato City nasa 25 hanggang 37 barangay naman ang lubog sa baha umpisa pa kamakalawa kung saan nasa 20,000 residente naman ang inilikas.
Sa lalawigan ng Maguindanao ay nasa 5,000 pamilya ang inilikas habang nasa 4,000 naman sa iba pang lugar sa North Cotabato.