Inilibing sa mababaw na hukay: Sanggol nilunod ng nanay sa ihi

MANILA, Philippines - “Nawala po ako sa sarili ko dahilan nag-iisa ako, hindi ko sinasadya”.

Ito ang pag-amin ng isang ina sa pulisya matapos na lunurin ang kanyang bagong silang na sanggol na babae sa ihi at pagkatapos ay inilibing sa isang mababaw na hukay naganap noong Miyerkules sa bayan ng San Fernando, Cebu.

Agad din nadakip ang suspek na si Jacquelyn Soroño, 29-an­yos, isang dalagang ina at residente ng Brgy. Panadtaran ng nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, na ang krimen ay nadiskubre ng isang 14-anyos na dalagitang kapitbahay ng suspek nang hindi sinasadyang masaksihan ang sikretong paglilibing nito sa  bagong panganak nitong sanggol may ilang metro sa bahay ng tiyuhin ng suspek.

Sinabi ng dalagita sa kaniyang mga magulang at ilang kamag-anak sa lugar ang nasaksihan at ng puntahan ng mga ito ang pinaglibingan sa sanggol ay nadiskubre ang krimen at  nakalitaw pa ang mga paa nito.

Kanilang iniulat sa pulisya ang pangyayari at agad na inaresto ang suspek at inamin na nagawa lamang niya ang krimen dahilan iniwan siya ng kaniyang nobyo ng malamang buntis siya at tumangging panagutan.

Kasalukuyan na nga­yong humihimas ng rehas na bakal ang suspek na nahaharap sa kasong infanticide.

Show comments