MANILA, Philippines - Ipapatawag ng San Juan PNP ang sinasabing Ex-pulis na dating karelasÂyon ng live-in partner ng basketball player ng Letran upang tanungin kung may kinalaman ito sa naganap na ambush sa basketbolista sa San Juan City kamakalawa ng gabi.
Sa naganap na ambush ay sugatan ang basketball player na si Franz Dysam habang patay naman ang kanyang live-in partner na si Joanne Sordan.
Hindi pa tinukoy ng mga awtoridad ang pangalan ng pulis pero kanilang tiniyak na ipapatawag nila ito.
Sinabi ni San Juan Police Chief P/Senior Supt. Bernard Tambaoan, naganap ang krimen matapos ang laro ng varsity team ng Colegio de San Juan de Letran sa NCAA Season 89 Game laban sa Lyceum Pirates nitong Sabado ng gabi sa The Arena sa San Juan, kung saan tinalo ng Letran Knights ang kanilang kalaban sa puntos na 61-53.
Bumibiyahe na umano ang mga biktima, kasama ang kanilang anak na lalaki na tatlong buwang gulang lamang, isang pinsan at isang pamangkin, na pareho ring menor de edad, dakong alas-7:45 ng gabi sakay ng kanilang kulay gray na Nissan Sentra (ZCA-176) sa panulukan ng N. Domingo St. at Araneta Avenue sa San Juan City nang bigla na lang silang tambangan at pagbabarilin ng mga suspek, na lulan ng isang motorsiklo.
Sa ngayon ay tinitingnan na ng mga awtoriÂdad ang anggulong love triangÂle sa krimen.