Talent scout na dumukot sa sanggol tugis

MANILA, Philippines - Tinutugis na ng otoridad ang isang babaeng nagpakilalang talent scout na  dumukot sa isang tat­long buwang gulang na sanggol na babae, sa Man­daluyong City kama­kailan.

Ayon kay P/Senior Supt. Florendo Quibuyen, hepe ng Mandaluyong police, na binuo niya ang Task Force “Sagip Angel” upang bawiin ang biktimang si baby Hencel Mae Joy mula sa suspek na nakilalang si Lovelyn Casipe, na umano’y residente ng Novaliches, Quezon City.

Batay sa ulat, noong Sabado ng alas-9:00 ng umaga ay hiniram ni Casipe ang sanggol mula sa inang si Liezel Tugade-Diamon, 33, ng Saluyot St., Barangay Addition Hills, Mandaluyong dahil magkakaroon umano ng audition para sa isang pa­talastas ng gatas, na may kapalit na buwanang sustento.

Dahil sa excited na ma­kasama ng ina ang anak sa commercial, kahit bago pa lamang nilang nakikilala ang suspek ay nagtiwala agad ito na ipinahiram ang sanggol.

Gayunman, matapos na ipahiram ang anak ay hindi na isinauli pa ng suspek at hindi na rin makontak sa cell phone nito sanhi upang magsumbong na ang ginang sa pulisya.

Sa kasalukuyan ay  negatibo pa ang impormasyon kung saan dinala ang bata subalit kumpiyansa naman ang pulis­ya pamamagitan nang kanilang matiyagang imbestigasyon ay matutukoy rin nila at mababawi ang sanggol sa suspek.

Show comments