Tenant sa serendra blast namatay na

MANILA, Philippines - Tuluyan nang bumigay ang katawan at nalagutan ng hininga kahapon ng madaling-araw makaraan ang 34 araw na pagkaratay sa “intensive care unit” ng St. Lukes Medical Cen­ter ang 63-anyos na tenant ng suma­bog na condo unit ng Two Serendra, Glo­bal City, Taguig City ka­makailan.

Ayon kay Atty. Ray­mond Fortun, dakong alas-12:20 ng madaling-araw nang tuluyan nang bumigay ang katawan ng kanyang kliyente na si Angelito San Juan dahil sa “cardio pulmonary arrest at multiple organ failure.” 

Napag-alaman na pu­mirma ang nakakatan­dang kapatid ni Angelito na si Ruben sa “waiver” na hindi na ito ire-revive kapag inatake sa puso makaraang sabihan ng mga manggagamot na hindi na ito tatagal dahil sa 85% ng katawan nito ang nasu­nog.

Mag-isa lamang umano sa ICU si San Juan nang malagutan ng hininga. 

Agad namang nagtungo sa pagamutan ang kapatid ni San Juan na si Ruben upang asikasuhin ang burol nito.Nabatid na hindi na nahingan ng testimonya si San Juan bago pa man ito pumanaw.

Hinihiling na lamang umano ng pamilya ni San Juan na matapos na ang imbestigasyon na isina­sagawa ng binuong “Inter-Agency Task Force” upang magkaroon na ng pagsasara ang naturang isyu. 

Nabatid na dumating sa Pilipinas si San Juan, isang senior date architect sa Estados Unidos, noong madaling araw ng Mayo 31 upang dumalo sa isang kasal at nakituloy sa Unit 501 sa Two Serendra na pag-aari ng kaibigan na si Marian Cayton Castillo.

Bago ang pagsabog, una nang nagreklamo ng hindi makahinga si San Juan sa loob ng unit.

Si San Juan ang ikaapat na nasawi sa naganap na pagsabog. Unang nasawi makaraang mabagsakan ng malalaking debris sina Salinar Natividad, 41; Jeffrey Umali, 33; at Marlon Badiola, 29, pa­wang mga empleyado ng Abensons appliances.

Sabi ni Fortun na ba­ga­ma’t sinagot ng Ayala Land Inc. (ALI), ang de­veloper ng Two Seren­dra, ang hospital bill ni San Juan ay hindi man lang umano nagtungo ang kahit sinong kinatawan nito sa pagamutan.

 

Show comments