15-anyos, 1 pa napatay sa shootout

MANILA, Philippines - Napatay ng mga otoridad sa isang shootout ang dalawang notoryus na drug pusher kabilang ang isang 15-anyos na binatilyo nang  manlaban sa arresting team ng pulisya kahapon ng madaling-araw sa Brgy. Centro Agdao, Davao City.
Kinilala ni Davao City Police Director P/Sr. Supt. Roland de la Rosa ang mga nasawing suspek na sina Edidilao Busuan alyas Aki/Bapa, 35, tubong Lumba Bayabao, Lanao del Sur at ang 15-anyos na si Juvil Maniri na nagtangkang hagisan ng granada ang mga pulis.
Nasugatan naman ang tatlo pang mga suspek na nagtangkang tumakas na sina Nadia Maniri, 38; Ja¬lil Maniri, 20 at Babyboy Maniri, 16 at dinala sa Southern Philippines Medi¬cal Center sa tinamong mga paso sa katawan nang silaban nila ang kanilang hideout.
Isinugod naman sa pa¬gamutan ang sugatang si PO1 Mark Anthony Ca¬meros, intel operative na ti¬namaan sa kaliwang braso matapos barilin ng suspek na si Busuan.
Batay sa ulat, bandang alas-12:40 ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Davao City Police sa Brgy. Centro Agdao kung saan matapos na mabaril ang poseur buyer na si Cameros ay sumigaw pa ang suspek na si Busuan ng “Allah Huakbar”, battle cry ng mga Muslim na hindi pahuhuli ng buhay.
Kasunod nito ay binarikadahan si Busuan ng mga kasamahan nito sa illegal na pagbebenta ng droga at ginirian ang papalapit na mga operatiba ng pulisya kung saan nagkaroon ng 20 mi¬nutong negosasyon sa pamumuno ni Supt. Cezar Cabuhat para sa pagsuko ng mga suspek.
Tinangka namang tanggalan ng pin ng menor-de-edad na suspek ang granadang hawak nito kaya binaril at napatay ito ng isa sa mga pulis habang sinunog naman ng ilan pa sa kaniyang mga kasamahan ang kanilang stocks ng shabu.
Naapula ang apoy matapos na magresponde ang mga bumbero dakong ala-1:15 ng madaling-araw at nakuha sa lugar ang nalalabi pang bahagya pa lamang nasusunog na plastic-plastic ng shabu na aabot sa P320,000 ang halaga.
 

Show comments